SGA malinis pa rin sa Dubai
MANILA, Philippines — Maganda ang naging pahinga ng Strong Group Athletics matapos ilampaso ang Sports Club Beirut, 95-73, upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa 33rd Dubai International Basketball Championship kahapon sa Al Nasr Club sa Dubai, United Arab Emirates.
Muling nagpakitang-gilas si reigning UAAP MVP Kevin Quiambao na nagpasabog ng 20 puntos tampok ang apat na three-pointers upang tulungan ang Strong Group na makuha ang ikaapat na panalo.
Nakatuwang ni Quiambao si McKenzie Moore na naglista ng 19 markers, walong rebounds at limang assist habang nagdagdag naman si Jordan Heading ng 15 points.
Nakalikom naman si JD Cagulangan ng 12 puntos at anim na assists bago magtamo ng minor injury.
Naglista si dating NBA star Dwight Howard ng 11 puntos at anim na rebounds para sa Strong Group na sumulong sa 4-0 baraha sa Group B.
Bumandera para sa Sports Club Beirut si Sergio El Darwich na kumana ng 28 puntos samantalang umiskor si Mohamed Haidar ng 15 puntos habang may 14 points na nagawa si Dar Tucker.
Sunod na makakasagupa ng Strong Group ang Al Ahli Tripoli ng Libya na wala pa ring talo matapos ang apat na laro.
- Latest