Lim, Caidic gagawaran ng Lifetime Achievement Awards
MANILA, Philippines — Pamumunuan nina basketball greats Samboy Lim at Allan Caidic ang mga bibigyan ng Lifetime Achievement Awards sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night na idaraos sa Enero 29 sa Diamond Hotel.
Kasama nina Lim at Caidic sina Dante Silverio, Joe Lipa at Arturo Valenzona sa mga gagawaran ng natatanging parangal dahil sa kanilang kontribusyon sa mundo ng basketball sa bansa.
Ilan lamang ang limang basketball greats sa mga kikilalanin sa programa kabilang ang Gilas Pilipinas na nakasungkit ng gintong medalya sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Ibibigay sa Gilas Pilipinas ang President’s Award sa event na suportado ng ArenaPlus, at Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Cignal, MILO at PLDT/Smart.
Pare-parehong naging national team members sina Caidic, Lim, Lipa, Valenzona at Silverio noong kanilang mga kapanahunan.
Sina Lim at Caidic ay bahagi ng Northern Consolidated Cement basketball program na nagkampeon sa 1985 Jones Cup at sa 1985 FIBA Asia Championship.
Matapos madisband ang NCC, nagpatuloy sina Lim at Caidic sa national team noong 1986 Seoul Asian Games at 1990 Beijing Asian Games.
Mas lalo pang nagningning ang karera nina Lim at Caidic sa PBA.
Bahagi si Lim ng San Miguel squad na nagkaroon ng PBA comeback noong 1986.
Siyam na beses nagkampeon si Lim sa PBA naging five-time All-Star at bahagi ng PBA’s Greatest 25 Players. Subalit sumakabilang buhay si Lim noong Disyembre 23.
Sa kabilang banda, top overall pick ng Great Taste si Caidic noong 1987 draft at naging Rookie of the Year at 1990 MVP.
May anim na korona si Caidic sa Great Taste at San Miguel Beer.
Kasama rin si Caidic sa PBAs 25 Greatest Players at Hall of Famer.
- Latest