Meralco sasagupa sa Seoul SK sa EASL
MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang pakay ng Meralco sa pagsagupa sa bisitang Seoul SK Knights sa EASL Home and Away season sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Bolts at ang Knights ngayong alas-7 ng gabi.
Umiskor ang Meralco ng isang 97-88 overtime thriller kontra sa Ryukyu Golden Kings sa Macau noong Disyembre 13.
Parehong may 1-2 record ang Bolts at SK Kings sa Group B para mapalakas ang tsansa sa semifinal berth habang may 2-1 baraha ang Golden Kings sa ilalim ng 2-0 kartada ng Taipei New Kings.
Maski sa Araw ng Pasko ay nag-ensayo pa rin ang Meralco para paghandaan ang Seoul team.
“Tuluy-tuloy kami ng Christmas,” sabi ni Bolts’ coach Luigi Trillo na nakalasap ng 96-110 kabiguan sa Barangay Ginebra Gin Kings sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup noong Sabado.
“We want to win and give us an opportunity to try and make that,” dagdag pa nito.
Ipaparada ng Bolts si import Zach Lofton na kinuha nila para lamang sa kampanya sa EASL.
Ngunit dahil nagkaroon ng ankle injury si PBA import Suleiman Braimoh ay tuluyan nang pinaglaro ng Meralco si Lofton sa Commissioner’s Cup kung saan sila nagdadala ng 6-2 record.
Matapos ang Seoul squad ay haharapin ng Meralco ang New Kings sa Enero 3 sa Philsports Arena para sa kanilang back-to-back home games.
- Latest