Datu agaw-eksena sa panalo ng Elasto Painters sa Road Warriors
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas si rookie Keith Datu sa 113-101 panalo ng Rain or Shine sa NLEX sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umiskor ang 6-foot-8 at No. 4 overall pick ng 11 points tampok ang tatlong three-point shots sa fourth period para sa ikalawang sunod na ratsada ng tropa ni coach Yeng Guiao.
Humakot si import Tree Treadwell ng 23 markers, 18 rebounds, 4 assists at 2 blocks para sa 2-5 record ng Elasto Painters.
Nauna nang sinabi ni Guiao na ipapatawas niya si Datu na sa tuwing may laro sila ay nagkakasakit.
Ngunit kahapon ay nagtala si Datu ng 5 rebounds at 4 blocks sa loob ng 22 minutong paglalaro.
May 2-5 baraha rin ang Road Warriors na bagsak sa ikatlong dikit na kamalasan sapul nang ipalit si import Stokley Chaffee, Jr. kay NBA veteran Thomas Robinson.
Inilista ng NLEX ang 11-point lead, 68-57, sa pagbubukas ng third period mula sa pagbibida nina Chaffee at Don Trollano.
Nakatalbla ang Rain or Shine sa pagtatapos ng nasabing yugto hanggang kunin ang 109-97 bentahe buhat sa ikatlong tres ni Datu sa huling 1:47 minuto ng fourth quarter.
Samantala, magtutuos ang Barangay Ginebra at Phoenix ngayong alas-6:15 ng gabi sa FPJ Arena sa San Jose, Batangas.
Bitbit ng Gin Kings ang 4-1 kartada sa ilalim ng pumapangalawang Fuel Masters (5-1).
- Latest