Eala umangat sa world rankings
MANILA, Philippines — Muling umangat si Pinay ace netter Alex Eala sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA).
Kasalukuyang nasa ika-190 puwesto si Eala kung saan lumundag ito ng 14 spots mula sa kanyang dating posisyon na No. 204.
Malaking tulong ang runner-up finish ni Eala sa W40 Kyotec Open na ginanap sa Petange, Luxembourg noong Linggo.
Lumasap si Eala ng 1-6, 5-7 kabiguan sa finals laban kay French Oceane Dodin upang magkasya lamang sa second-place trophy.
Gayunpaman, malaking tulong ito upang madagdagan ang kanyang puntos sa world rankings.
Ito ang ikalawang pinakamataas na posisyon ni Eala sa WTA rankings.
Matandaang umangat pa ito sa No. 189 noong Oktubre 2 matapos makasungkit ng dalawang tanso sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Ang Petange tournament ang pinakahuling torneong nilahukan ni Eala sa taong ito.
Magpapahinga muna si Eala kasama ang kanyang pamilya sa holiday season.
- Latest