Pinay softball squad pasok sa World Cup
MANILA, Philippines — Matapos ang Blu Girls at ang co-ed slow pitch team ay ang Philippine women’s softball squad naman ang maglalaro sa World Cup.
Ito ay matapos kunin ng mga Pinay batters ang bronze medal sa katatapos lamang na U15 Women’s Softball Asia Cup sa Puli, Taiwan.
Nirapido ng koponan ang Korea, 10-0, para pumangatlo sa torneo at sikwatin ang tiket para sa World Cup U15 sa Tokyo, Japan.
Nakatakda ang nasabing world meet sa Oktubre 21 hanggang 29.
Ang national women’s team ay binubuo ng mga players mula sa ILLAM Manila, Pasig at Bulacan.
Isinara nila ang elimination round bitbit ang 4-2 record.
Dinomina ng No. 26 ranked team ang India, 6-0, at isinunod ang South Korea, 2-1, bago yumukod sa No. 2 Japan, 0-14, at No. 3 Taiwan, 2-5.
Nakabangon ang mga Pinay sa pamamagitan ng 10-1 paggupo sa Singapore at 10-0 pagmasaker sa Hong Kong.
Samantala, puspusan naman ang paghahanda ng Blu Girls para sa pagsabak sa Softball World Cup (fast pitch) sa Italy sa susunod na buwan.
Mtapos ito ay lalaro naman sila sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Sa Blu Girls din kukunin ang mga miyembro ng c-ed slow pitch squad na sasalang sa Co-ed Slow Pitch Softball World Cup sa Mexico sa Disyembre.
- Latest