2 aquatics sports itatampok ng COPA
MANILA, Philippines — Sa tingin ni Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) founder/president Batangas 1st District Rep. Eric Buhain ay nawawala na ang water polo at fin swimming sa swimming program ng bansa.
Kaya muli niyang ipapakilala ang dalawang aquatics sports sa pamamagitan ng exhibition matches sa 1st COPA-Samahang Manlalangoy sa Pilipinas (SMP) Christmas Friendship Swimfest ngayong araw sa Teofilo Yldefonso Swim Pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
“During our meeting, napag-usapan namin na wala na yatang nakakakila sa water polo at fin swimming dahil hindi masyadong nabigyan ng ayuda the past years,” ani SMP president at COPA Board member Chito Rivera.
Idinagdag ni Rivera na si Buhain, isang dating Olympian at nagdomina sa Southeast Asian Games, ang may ideya na itampok ang water polo at fin swimming.
Maglalaro ang mga miyembro ng national training pool sa water polo at fin swimming sa isang friendly game.
Naging posible ito sa pamamagitan ng pagtatambalan ng COPA at SMP sa pagsisikap na mas mapahusay pa ang talento at kakayahan ng mga Pinoy swimmers sa grassroots level.
“Ito ay magkasanib na pagsisikap ng COPA at SMP para sa 2022,” dagdag pa ni Rivera.
“Sa susunod na taon ay asahan ang mas marami at mas malaking paligsahan sa paglulunsad ng ating programa sa buong bansa para sa grassroots program,” wika ng varsity coach ng Jose Rizal College sa NCAA.
- Latest