2nd PVL crown sasarguhin ng Petro Gazz
MANILA, Philippines — Puntirya ng Petro Gazz na maipormalisa ang pagkopo sa ikalawang sunod na kampeonato sa pagharap nito sa Cignal HD sa Game 2 ng PVL Reinforced Conference best-of-three championship series ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magpapang-abot ang Gazz Angels at HD Spikers sa alas-5:30 ng hapon habang magtutuos naman ang Creamline at Chery Tiggo sa Game 2 ng kanilang sariling best-of-three, battle-for-third sa alas-3:30 ng hapon.
Malapit na sa korona ang Gazz Angels matapos kubrahin ang pukpukang 25-21, 27-25, 37-35 panalo sa Game 1 ng serye noong Huwebes.
“Siguro yung lesson lang sa amin against Cignal, nabitawan namin yung third set doon. Nawala yung complacency na kapag naka-dalawang set na kami, may chance na mag-off nang kaunti,” ani Petro Gazz head coach Rald Ricafort.
Walang iba kundi si American import Lindsey Vander Weide ang pangunahing sasadalan ng Gazz Angels sa opensa.
Pumutok ng husto si Vander Weide sa series opener kung saan nagpakawala ito ng 31 attacks kasama ang dalawang blocks at isang ace.
Solido rin ang produksiyon ng mga local players partikular na sina wing spikers Myla Pablo at Aiza Maizo-Pontillas gayundin sina middle blockers MJ Phillips at Remy Palma.
Kasama pa ng tropa si ace playmaker Djanel Cheng at libero Bang Pineda na maganda ang kumbinasyon para makabuo ng solidong play sa kanilang teammates.
Sa kabilang banda, kakayod ng husto ang Cignal para maipuwersa ang rubber match.
Aasahan ng Cignal si American import Tai Bierria ngunit kailangan nito ng tulong mula kina Ces Molina, Roselyn Doria, Riri Meneses at Angeli Araneta.
- Latest