Knights, Blazers unahang makalapit sa NCAA crown
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang nagdedepensang Colegio de San Juan de Letran at College of St. Benilde na makalapit sa korona sa paglarga ng Game One ng NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Sasambulat ang inaabangang salpukan ng Knights at Blazers ngayong alas-3 ng hapon kung saan nakasentro ang Letran sa tangkang ‘three-peat’.
Lamang ang Knights sa experience dahil tatlong sunod na taon na silang nasa finals ng liga.
Ngunit sinabi ni Letran head coach Bonnie Tan na sila ang ‘underdogs’ sa serye dahil ang Benilde na No. 1 sa eliminasyon.
“Iyong mindset namin nasa dehado side kami. Basta kami, kung ano iyong ibinigay sa amin eh, iyon lang,” ani Tan.
Nakapasok ang Letran matapos sibakin ang Lyceum of the Philippines University sa semifinals, 67-58.
Nanguna sa naturang panalo sina Brent Paraiso, King Caralipio at Fran Yu.
Ito naman ang unang finals appearance ng Blazers sa loob ng mahigit dalawang dekada.
At determinado ang Benilde gawin ang lahat para makamit ang korona.
“I really hope that this will be our year, it’s going to be our destiny. The finals will be tougher. There’s been a lot of heartbreaks for the Benilde community but at least we are back. Hopefully, we can achieve our last goal,” pahayag ni Blazers’ mentor Charles Tiu.
Nasikwat ng Blazers ang finals berth matapos patalsikin ang San Beda University, 62-61.
“We know that job’s not finished. We still have to play in the finals and hopefully, we get that championship,” ani Blazers ace player Migz Oczon.
Bukod kay Oczon, aasahan rin ng Blazers sina MVP top canidate Will Gozum at Jimboy Pasturan na tumipa ng 16 points sa kanilang panalo kontra sa Red Lions.
Ang Game Two ay gagawin sa parehong venue sa Disyembre 11 at kung aabot ang serye sa Game Three ay itatakda ito sa Disyembre 18 sa Big Dome.
- Latest