Buhain kumpiyansang may bubura sa kanyang SEAG record
MANILA, Philippines — Naniniwala si Congress of the Philippine Aquatics, Inc. (COPA) founder at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain na may makakabura ng kanyang Southeast Asian Games record.
Sinabi ito ng two-time Olympian sa kanyang inspirational message sa mga batang lumahok sa (COPA) Novice swimfest sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
“Maraming nagtatanong sa akin kung ano ang nararamdaman ko dahil hanggang ngayon ay wala pang nakakabura sa six-gold medal na nakuha ko sa SEA Games noong 1991,” ani Buhain. “Dito sa mismong swimming pool na nilanguyan ninyo nagawa ko ang record ko.”
“Ang sagot ko, nalulungkot si Eric Buhain dahil mahabang taon na ang nakalipas wala pang nakakabura sa record. Sa inyong hanay, umaasa ako na magmumula sa inyo ang bubura sa record ni Eric Buhain,” dagdag nito.
Sa RMSC venue nilangoy ni Buhain ang anim na gintong medalya noong 1991 Manila SEA Games at naging chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) and Games and Amusements Board (GAB).
Tiniyak naman nina COPA officials Chito Rivera at Richard Luna ang tuluy-tuloy nilang programa sa grassroots level.
Sa pagsisimula ng COPA Novice two-day meet ay tig-dalawang gintong medalya ang nilangoy nina Greg Anthony Muyong at Marcus Caleb Pablo.
Humataw ang 14-anyos na si Muyong ng Green Blasters Swim Club sa boys’ 14-years old Class A 50-meter freestyle (27.90) at sa 100m Individual Medley (1:09.90)
Bumida si Pablo ng Aquaknights sa boys’ 6-yrs old 50m freestyle (57.41) at 25m breaststroke (28.91) sa swimfest na bahagi ng grassroots sports program ng COPA.
- Latest