Ayo-Melecio reunion sa Converge

Alju Melecio.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Muling makakasama ni coach Aldin Ayo ang dati niyang La Salle point guard na si Aljun Melecio.

Ito ay matapos aprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang trade ng Converge sa Phoenix kung saan nakuha ng FiberXers ni Ayo si Melecio kasama si big man Kris Porter.

Napasakamay ng Fuel Masters ni mentor Topex Robinson sina rookie Kurt Lojera at forward Ben Adamos na sasalo sa trabaho ni Jason Perkins na sumailalim sa isang knee surgery.

Hinawakan ni Ayo ang 5-foot-9 playmaker na si Melecio sa paghahari ng Green Archers sa UAAP noong 2016.

“Everytime you go to war, you need your best soldiers. More to come,” ani Ayo sa kanyang Twitter account ukol sa pagpapalakas sa Converge na unang hinawakan ni Jeffrey Cariaso sa nakaraang 2022 PBA Philippine Cup.

Samantala, tinapik ng NLEX si assistant Adonis Tierra bilang interim coach habang wala pang pormal na napipiling kapalit ni Yeng Guiao na bumalik sa Rain or Shine.

Igigiya ni Tierra ang Road Warriors sa papara­ting na 2022 PBA Commissioner’s Cup kasama si import Earl Clark.

Ilan sa mga ikinukunsidera ng NLEX na ipapalit kay Guiao ay sina Gilas Pilipinas assistant Jong Uichico, Meralco deputy Luigi Trillo at dating PBA coach Eric Altamirano.

Show comments