National badminton team lilipat sa Antipolo
MANILA, Philippines — Mula sa kanilang bubble training sa Makati City ay lilipat ang national badminton team sa Antipolo City sa susunod na taon para ipagpatuloy ang kanilang preparasyon para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Magsasanay at mananatili ang mga badminton players at coaches sa Center for Sports Excellence facility sa First Pacific Leadership Academy sa Antipolo City, ayon kay coach Paul Vivas.
“Ang plan po nila is mailipat kami sa FPLA sa Antipolo,” wika ni Vivas sa MVP Sports Foundation (MVPSF) ni businessman/sports patron Manny V. Pangilinan. “So lahat ng sports na hawak ni Boss MVP ay ililipat doon.”
Kasalukuyan nang nasa training bubble ang mga national badminton players sa Power Smash facility sa Makati City.
Maliban sa badminton, sinusuportahan din ng MVPSF ang weightlifting, basketball, boxing, taekwondo, football, cycling, golf at rugby.
“Ang plano po ni Boss, unahin ang badminton, kaya by next year inaasahan namin na makakalipat na kami doon,” dagdag ni Vivas.
Ang nasabing 15-hectare property sa Antipolo City ay gagawing sports center ng MVPSF founder para sa pagsasanay at pananatili ng mga national athletes na kanilang sinusuportahan.
May hotel facilities at mga kuwarto na sa FPLA maliban sa mga badminton courts, boxing gyms, basketball courts at quarters ng mga kukuhaning sports psychologists, trainers at coaches.
Pinaghahandaan ng national badminton team ang 2022 Vietnam SEA Games na nakatakda sa Mayo 12 hanggang 23.
- Latest