Australian boxing mentor bilib sa mga Pinoy coaches
MANILA, Philippines — Ayaw solohin ni Australian coach Don Abnett ang kredito sa pagsuntok nina featherweight Nesthy Petecio, flyweight Carlo Paalam at middleweight Eumir Felix Marcial ng medalya sa nakaraang Tokyo Olympic Games.
Ayon kay Abnett, magagaling sina national coaches Elmer Pamisa, Ronald Chavez at Reynaldo Galido kaya naging matagumpay ang kampanya ng bansa sa Tokyo Olympics.
Sinuntok nina Petecio at Paalam ang dalawang silver medal habang nag-ambag si Marcial ng bronze medal.
Kinuha ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ang 59-anyos na si Abnett noong Pebrero ng 2019 para sa 30th Southeast Asian Games na pinagharian ng Team Philippines.
Nakatakdang magtapos ang kontrata ni Abnett sa Disyembre ng taong ito at gusto ni ABAP president Ricky Vargas na bigyan muli ng panibagong termino ang Australian mentor.
Sa Oktubre ay inaasahang lalahok ang national team sa 2021 AIBA Men’s World Boxing Championships sa Belgrade, Serbia.
Sa 2022 ay sasalang ang tropa sa SEA Games sa Vietnam at sa Asian Games sa China.
- Latest