Jaja out sa Asian meet
MANILA, Philippines — Sasabak ang women’s national volleyball team na wala si Jaja Santiago sa 2021 Asian Senior Women’s Volleyball Championship na papalo sa Agosto sa Pampanga.
Ayon kay Santiago, hindi ito makalalaro sa Asian meet dahil nakatakda itong bumalik sa Japan para makasama ang Saitama Ageo Medics sa Japan V.League.
Nagpaalam na ang 6-foot-5 middle blocker sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
“Nagpaalam na ako sa PNVF tungkol sa schedule ko. Sinabi ko sa kanila ang lahat para alam nila,” ani Santiago.
Bago ang Japan stint, sasalang muna si Santiago sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kasama ang Chery Tiggo.
Matapos ang PVL, agad na lilipad si Santiago sa Japan para simulan ang ensayo sa Ageo Medics.
Isa sa requirement bilang import ang isa hanggang dalawang buwan na training kasama ang Ageo Medics bago magsimula ang torneo.
Optimistiko si Santiago sa magiging kampanya ng national team sa Asian meet lalo pa’t binubuo ito ng mga beterano at mahuhusay na mga collegiate stars.
Sa kasalukuyan, may 16 players na ang nasa pool ngunit madaragdagan ito mula sa mga makukuha sa Open Conference.
Tiniyak naman ni Santiago na makapaglalaro ito sa 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre.
Kailangan lamang magpaalam ito sa kanyang mother team sa Japan para masilayan sa aksyon sa biennial meet.
- Latest