Mariano nabigyan din ng contract renewal

Aljon Mariano
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pumirma rin ng bagong kontrata si Aljon Mariano upang manatili sa kampo ng Barangay Ginebra Gin Kings.

Walang detalye na ibinigay si Mariano kung ilang taon ang pinirmahan nitong kontrata maging ang impormas­yon sa salary cap.

Kitang-kita ang saya sa mga ngiti ni Mariano sa kanyang Instagram post kung saan kasama nito si San Miguel Corporation Sports Director at Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua.

Kaya naman nagpasalamat ito sa pamunuan ng SMC partikular na kay team owner Ramon Ang sa tiwalang ibinigay sa kanya.

Nangako naman si Mariano na susuklian nito ang panibagong oportunidad na ibinigay sa kanya ng Gin Kings.

“Isang tagay para sa napakalaking tagumpay at biyaya! Maraming salamat boss @alfrancischua at boss RSA! Salamat Ginebra,” ani Mariano.

Maganda ang ipinamalas ni Mariano sa nakalipas na season.

Nagtala ito ng averages na 9.6 points, 7.0 rebounds at 2.8 assists.

Si Mariano ang ikala­wang sunod na player na binigyan ng contract renewal ng Gin Kings.

Kamakalawa, binigyan ng three-year maximum deal si dating Finals MVP Scottie Thompson.

Show comments