Skippers, Saints unahang dumikit sa korona

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Marinerong Pilipino at BRT Sumisip Basilan-St. Clare na makalapit sa korona sa paglarga ng Game 1 ng 2019 PBA D-League Foundation Cup best-of-three championship series ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang laba­nan ng Skippers at Saints sa alas-3:30 ng hapon.

Paborito ang Skippers na nakasakay sa nine-game winning streak kasama ang two-game sweep sa TIP sa best-of-three semifinals.

Masaya si coach Yong Garcia na nasa finals ang Marinerong Pilipino.

Ngunit hindi rito natatapos ang kanilang misyon.

Mas matamis ang kampeonato kaya’t ibubuhos na ng Skippers ang lahat para makuha ito.

“We’re happy na nasa Finals kami pero mas masaya siguro kung makuha namin yung championship,” ani Garcia.

Sasandalan ng Skippers si Conference MVP frontrunner Eloy Poligrates kasama sina Mark Yee at Dan Sara na mga beterano na rin sa giyera.

Sa kabilang banda, determinado rin ang BRT Sumisip-St. Clare.

Hindi gaya ng Skippers, ang Saints ay dumaan pa sa rubber match bago makuha ang puwesto sa finals.

Show comments