Manny hinamon si Floyd sa rematch
MANILA, Philippines — Bukas na bukas na ang pintuan ni Manny Pacquiao sa usaping rematch kay Floyd Mayweather Jr. matapos ang kanyang impresibong pagdepensa ng World Boxing Association (WBA) welterweight title kay Adrien Broner kahapon sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Sesentro na ang atensiyon ng Pambansang Kamao sa kanyang susunod na laban kung saan usap-usapan agad ang posibilidad na matuloy ang Pacquiao-Mayweather rematch anumang araw ngayong taon.
Mismong si Pacquiao na ang nanawagan kay Mayweather na magbalik sa ring at harapin ang Pinoy champion sa ikalawang pagkakataon.
“Tell him (Floyd Mayweather) to come back to the ring and we will fight. I’m willing to fight again if he (Floyd Mayweather)’s willing to come back to boxing,” ani Pacquiao.
Nasilayan ng buong mundo ang pagbabalik ng tikas sa kamao ni Pacquiao kaya’t walang duda na handang-handa ito na sagupain ang undefeated American pug.
Bukas ang kampo ni Pacquiao na makipagdayalogo para matuloy ang inaabangang mega bout kay Mayweather.
Hindi malayo na matuloy ito lalo pa’t nasa iisang promosyon sina Pacquiao at Mayweather.
“I have the belt, if you want to challenge me. If you plan to come out of retirement, announce it and challenge me,” dagdag ni Pacquiao.
- Latest