Lady Stags may misyon sa Lady Bombers

Magkukrus ang landas ng Lady Stags at Lady Bombers sa alas-12 ng tanghali habang magpapang-abot ang Mapua University at Emilio Aguinaldo College sa alas-2 ng hapon.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Makisosyo sa ikala­wang puwesto ang tatargetin ng San Sebastian College-Recoletos sa pagharap nito sa Jose Rizal University ngayong araw sa pagbabalik-aksiyon ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Magkukrus ang landas ng Lady Stags at Lady Bombers sa alas-12 ng tanghali habang magpapang-abot ang Mapua University at Emilio Aguinaldo College sa alas-2 ng hapon.

Galing ang San Sebastian sa dalawang sunod na panalo laban sa Colegio de San Juan de Letran, 25-22, 25-16, 25-22 at Emilio Aguinaldo, 25-19, 25-20, 26-24 para magkaroon ng magandang baon bago magbakasyon.

Dahil sa panalo, sumalo ang San Sebastian sa No. 3 spot kasama ang College of Saint Benilde tangan ang parehong 4-1 marka.

Namayani rin ang Lady Stags sa Lyceum at Mapua bago matalo sa reigning titlist Arellano University, 15-25, 16-25, 12-25.

Nangunguna ang Arellano na may malinis na 6-0 baraha habang nasa ikalawa ang San Beda University tangan ang 5-1 baraha.

Haharap ang San Sebastian sa Jose Rizal na nagnanais ding makalikom ng panalo para mapaganda ang kanilang tsansa sa Final Four.

Hawak ng Lady Bom­bers ang 3-3 baraha.  

Show comments