4 teams agawan sa buwenamano

Maghaharap sa unang laro ang San Sebastian College-Recoletos at Lyceum of the Philippines sa alas-12 na susundan ng duwelo ng Emilio Aguinaldo College at Colegio de San Juan de Letran sa alas-2.

MANILA, Philippines — Apat pang koponan ang magtatangkang masungkit ang unang panalo sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.

Maghaharap sa unang laro ang San Sebastian College-Recoletos at Lyceum of the Philippines sa alas-12 na susundan ng duwelo ng Emilio Aguinaldo College at Colegio de San Juan de Letran sa alas-2.

Pare-parehong pakay ng apat na tropa na samahan sa tuktok ng standings ang Arellano University at San Beda University na parehong nagtala ng buwenamanong panalo laban sa kani-kanilang karibal para pagsosyohan ang maagang liderato.

Nanaig ang Lady Chiefs kontra sa Jose Rizal University (25-15, 25-22, 25-22) habang nalusutan naman ng Lady Red Spikers ang University of Perpetual Help System Dalta (25-21, 24-26, 20-25, 26-24, 15-12).

Magtatagpo rin ang San Sebastian at Lyceum sa alas-10 ng umaga at ang Emilio Aguinaldo at Letran sa alas-3:30 ng hapon sa men’s division.

Sa juniors, lalarga ang paluan ng San Sebastian at Lyceum sa alas-8:30 ng umaga at ng EAC at Letran sa alas-5 ng hapon. (CCo)

Show comments