Chan, Baser at Romeo umangat sa PBA All Stars
ILOILO City , Philippines — Nagpasikat sa katatapos lamang na PBA All Stars sina Baser Amer (Mindanao), Terrence Romeo (Luzon) at Jeff Chan (Visayas) ngunit ang malaking istorya ay ang last minute pullout ni Kiefer Ravena.
Agad na pinabalik si Ravena ng Manila makaraang tawagan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas hinggil sa kinakaharap nitong isyu nang magpositibo sa isinagawang random drug testing matapos ang kanilang laban ng Japan sa Asian Qualifiers para sa FIBA World Cup.
Tumapos si Chan ng 29 puntos upang pangunahan ang Visayas Selection sa 157-141 panalo kontra sa Smart Gilas All Stars sa ikatlo at huling yugto sa Visayas ng PBA All Stars sa San Agustin Coliseum kamakalawa ng gabi para ipalasap sa Gilas ang ikalawang talo sa three-leg- series.
Tanging konsolasyon ng Smart Gilas ay ang kanilang pagkapanalo sa dance showdown sa Iloilo matapos matalo sa Mindanao at Visayas leg para sa P100,000 na premyo nang sumayaw na nakadamit babae ang ilang miyembro ng team.
Binuksan ng Mindanao Selection ang All star extravaganza sa pamamagitan ng surpresang 144-130 panalo kontra sa Gilas National Pool sa pangunguna nina Baser Amer (22 points), Mark Barroca (20pts) at PJ Simon (17) sa Digos City sa Davao del Sur.
Bumawi ang Smart Gilas sa Luzon leg sa pangunguna ni Romeo na umiskor ng all-star record na 48 puntos sa 152-149 panalo ng Smart All Stars-Gilas sa Batangas City Coliseum.
Itinanghal namang hari ng dakdakan si Rey Guevarra ng Phoenix na binawi ang Slam Dunk title na highlight ng Skills Competition na ginanap sa Batangas, tampok ang kanyang pinalakpakang motorcycle dunk.
Si Beau Belga ng Rain or Shine ang kampeon sa Obstacle Challenge habang muling itinanghal na Three Point King si James Yap matapos ang halos isang dekada.
- Latest