Blazers ‘di bibitaw sa itaas vs Chiefs

MANILA, Philippines — Target ng College of St. Benilde ang ikaapat na sunod na panalo upang higit na mapatatag ang kapit sa solong pamumuno sa pagpapatuloy ng 12th FilOil Flying V Preseason Cup sa  FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Mapapalaban ang Blazers dahil haharapin nito ang Arellano University sa alas-12:30 ng tanghali samantalang magtutuos ang National University at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-4:30 ng hapon.

Nakakapit ang Benilde sa malinis na 3-0 rekord kung saan galing ito sa matikas na 80-73 upset win laban sa Far Eastern University noong Martes.

Ngunit ayaw ni coach Tyrone Tang na maging kam­pante ang kanyang bataan.

“It's up to us now how to handle that and adjust. There's going to be a lot of teams that is going to scout us more compared to last season. I've been telling my team that we have to settle down and work together every time,” ani Tang.

Sa kabilang banda, ang Chiefs ay nakahimpil sa ikaapat na puwesto bitbit ang 2-1 baraha.

Umaasa naman ang Bulldogs na masungkit ang ikatlong panalo sa Group A.

May 2-3 rekord ang NU habang wala pa ring panalo ang Perpetual Help sa tatlong pagsalang.

Maglalaro rin ang San Sebastian (2-1) at Jose Rizal University (0-4) sa alas-2:15 ng hapon at ang Adamson University (1-0) at University of Santo Tomas (1-2) sa alas-6:30 ng gabi.

Show comments