PSC-Pacquiao Cup dadayo sa Sorsogon
MANILA, Philippines — Dadayo naman ang Philippine Sports Commission sa pagkakataong ito sa Luzon upang makatuklas ng mga mahuhusay na boksingero sa paglarga ng Luzon preliminary leg ng PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup sa Sorsogon City sa Enero 27 hanggang 28.
Tiniyak ni Sorsogon Governor Robert Rodrigueza na buo ang suporta nito para maging matagumpay ang pagtataguyod ng torneo sa naturang probinsya.
“We will continue to help the sports development in Sorsogon and I would like to thank the PSC for choosing us to be the host city in this grassroots sports programs,” ani Rodrigueza.
Naniniwala si Rodrigueza na maraming talento ang probinsya na posibleng sumunod sa yapak ni world boxing champion Michael Farenas na tubong Sorsogon.
“We are proud to produce a world champion in Michael Farenas. But its time na may kasunod na dahil napakalaki ng potential ng aming mga atleta at kabaataan sa Sorsogon,” ani Rodrigueza.
Maliban sa boxing tournament, inihayag ni PSC Chairman William Ramirez na marami pang plano ang ahensiya upang mapalakas ang grassroots sports development sa Sorsogon.
Mahigit 200 boksingero ang inaasahang sasabak sa Luzon preliminaries na gaganapin sa Sorsogon National High School Gymnasium.
Nauna nang dumayo ang PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup sa Mindanao noong Disyembre kung saan nagbakbakan ang mahuhusay na boxers sa rehiyon sa GenSan.
- Latest