PNG sa Cebu kinansela
MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez ang pagpapaliban sa pagdaraos sa Philippine National Games sa Cebu City sa Abril 15-21 sa susunod na taon.
Kailangan umanong masiguro ang matagumpay at mahusay na pagtatakbo sa multi-event sports meet ang dahilan sa pagpapaliban sa PNG na orihinal na nakatakdang gawin sa Cebu ngayong Disyembre 10-18.
Nangyari ang desisyon sa pagpapaliban sa PNG matapos ang huling coordination meeting sa iba’t ibang local government units noong nakaraang linggo, ayon kay Ramirez.
“We are tentatively scheduling it on April 15 to 21, 2018. It will still be held in Cebu. The moving of the event was permitted to make the necessary administration to ensure an efficiently run PNG,” sabi ni Ramirez.
Kahit ang Philippine Para National Games na gagawin sana sa taong ito ay ipagpapaliban din sa Abril sa susunod na taon, sabi ni PSC commissioner Arnold Agustin.
Sinabi rin ni PSC Executive Director Atty. Sannah Frivaldo na uumpisahan na ang pagpapatayo ng panibagong mess halls para sa mga miyembro ng national team sa Manila at Pasig.
Bukod sa mess halls, uumpisahan na rin ang pagpapaayos sa Rizal Memorial Sports Complex sa Mabini, Manila para magamit sa 2019 Southeast Asian Games.
Sa ginagawang masterplan, dalawang dormitories ang ipapaayos.
Ang tatanghaling pangkalahatang kampeon sa PNG ay makatatanggap ng kabuuang P10 million habang P9 million sa ikalawa at P8 million ang pumapangatlong puwesto.
Kahit ang pang-apat ay bibigyan din ng P7 million at P6 million sa ikalima at P5 million sa pang-anim.
- Latest