‘Twice-to-beat’ bonus kinuha ng Lady Spikers

MANILA, Philippines -  Napaamo ng nagde­depensang De La Salle Uni­versity ang University of Santo Tomas, 25-23, 25-22, 25-21, upang masungkit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kaha­pon sa The Arena sa San Juan City.

Muling naglatag ng ma­gandang laro si Desiree Cheng nang humataw ng 13 puntos mula sa 9 attacks, 3 aces at 1 block para dalhin ang Lady Spi­kers sa 10-2 marka.

Sumalo ang La Salle sa unahan ng standings ka­sama ang Ateneo sa pa­reho nilang 10-2 baraha.

Ang panalo ng Lady Spikers ang nagbigay din ng ‘twice-to-beat’ bonus sa Lady Eagles.

“Kailangan pa naming mas maging aggressive lalo na sa depensa. Masama ang service receive namin and at the same time marami kaming service errors,” wika ni La Salle mentor Ramil de Jesus.

Sumuporta si Season 78 Finals MVP Kim KIana Dy na pumalo ng 12 puntos, habang may 11 marka si Ernestine Tiamzon para sa La Salle.

Nahulog ang UST sa three-way tie sa No. 3 spot kasalo ang National University at University of the Philippines sa magkakatulad nilang 7-5 marka.

Umiskor si skipper Cherry Ann Rondina ng 13 puntos para sa Tigresses.

Sa unang laro, buhay pa ang pag-asa ng Far Eastern University sa Final Four nang suwagin ang University of the East , 25-14, 25-18, 27-25.

 

Show comments