Tanduay itinagay ang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Umiskor si Mark Cruz ng 20 puntos para pangunahan ang 73-69 panalo ng Tanduay laban sa Jose Rizal University kahapon sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym ng Cubao, Quezon City.

Ipinakita ni Cruz ang kanyang husay nang tumipak ng 12 sa huling 14 puntos ng Rhum Masters para makamit ang ikaanim na panalo sa siyam na laro at pumasok sa quarterfinals bilang fourth seed.

 “Live and die ako sa kanya. Maybe it’s also a good thing that I don’t have other playmakers and his minutes are getting extended,” sabi ni Tanduay head coach Lawrence Chiongson sa dating PBA guard.

Tangan ng Tanduay ang ‘twice-to-beat’ advantage sa kanilang pagharap kontra sa AMA Online Education sa quarterfinal round bukas.

Ang JRU ay tumapos sa ikaanim na puwesto at lalaban sa CafeFrance sa isa pang quarterfinal match.

Sa unang laro, kinumpleto ng Victoria Sports-MLQU ang kanilang elimination round assignments sa pamama­gitan ng 85-76 panalo laban sa Blustar Detergent.

Sumandal ang Victoria Sports kay Robbie Herndon na nagtala ng 19 puntos at 13 rebounds upang tuldukan ang three-game losing skid at umangat sa 2-7 kartada.

Bukod kay Herndon, tumipa rin ng 14 puntos at 10 rebounds si Michael Ayonayon, habang si Ryusei Koga ay nag-ambag ng 11 puntos at apat na assists.

Pinangunahan naman ni Tristan Perez ang Blustar (0-9) sa kanyang 19 puntos.

Tanduay 73 - Cruz 20, Eguilos 14, Gaco 12, Quinto 11, Sanga 10, Santos 5, Sollano 1, Stevens 0, Varilla 0, Vigil 0, Villamor 0.

JRU 69 - Bautista 15, Marquez 15, Teodoro 15, Ambo­ludto 9, Grospe 8, Poutouochi 5, Lasquety 2, Dela Virgen 0, Publico 0.

Quarterscores: 16-14; 29-35; 56-57; 73-69.

 

Show comments