Parker-less Spurs lusot sa Timberwolves

MINNEAPOLIS - Nananatiling malinis ang record ng San Antonio sa labas ng kanilang bakuran matapos humataw si Kawhi Leonard ng 31 puntos nang bande­rahan nito ang 105-91 pananaig ng Spurs laban sa Timberwolves nitong Martes.

Tumirada si Leonard ng  11-of-15 shooting makaraang mabokya sa first quarter upang ihatid ang Spurs sa 13-0 record sa labas ng kanilang bakuran.

Nag-ambag din si Patty Mills ng 15 puntos mula sa bench para sa Spurs (18-4) na naglaro na wala si Tony Parker na nagkaroon ng gasgas sa kanyang kaliwang tuhod na natamo laban sa Milwaukee noong Miyerkules ng gabi.

Nalampasan ng Spurs ang 1969-70 record ng New York Knicks para maangkin ang second-best road start  sa pagsisimula ng season sa kasaysayan ng NBA. Nagsimula ang Golden State Warriors sa 14-0 record noong nakaraang taon.

Tumapos si Zach LaVine ng 25 puntos para sa Timberwolves.

Sa Salt Lake City, naglatag ang Utah ng mahigpit na depensa sa huling bahagi ng laro upang idiskaril ang tangkang pagbangon ng  Phoenix at igupo ang Suns sa iskor na 112-105.

 Sa iba pang resulta, pinabagsak ng Orlando Magic ang Washington Wizards, 124-116; hiniya ng New York Knicks ang Miami Heat, 114-103; ginapi ng Detroit Pistons ang Chicago Bulls, 102-91 at pinigil ng Memphis Grizzlies ang Philadelphia 76ers, 96-91.

Show comments