Team Pacman ‘di umaasa ng KO
LOS ANGELES-- Huling nagtala si Manny Pacquiao ng knockout win noong 2009 laban kay Miguel Cotto.
At matapos ito ay hindi na nakapagpabagsak ng kanyang kalaban si Pacquiao.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, hindi nila hinahanap ang knockout victory sa pagharap kay WBO welterweight champion Jessie Vargas sa November 5 sa Las Vegas (November 6 sa Manila).
Kapwa sinabi nina strength and conditioning coach Justin Fortune at chief trainer Freddie Roach na ang knockout result ay dagdag lamang na insentibo para sa Filipino icon na hahamon kay Vargas sa susunod na linggo.
Sinabi ni Fortune na dahil sa husay ng mga nakakalaban ni Pacquiao ay nahihirapan siyang pabagsakin ang mga ito.
“Knockouts are tough at this level,” sabi ni Fortune sa morning jog ni Pacquiao sa Pan Pacific Park.
Hindi rin nangako si Roach na makakaiskor ng knockout win ang Filipino boxing icon.
“If it (knockout) comes, it comes. He was never a big puncher at 147,” wika ni Roach matapos pamahalan ang workout ni Pacquiao sa Wild Card Gym.
Anim na rounds ng sparring ang ginawa ni Pacquiao laban kay super lightweight contender Raymundo Beltran sa isang closed-door session kasunod ang pagpapagod sa mitts kasama si Roach.
Matapos ito ay namanhid ang mga kamay ni Roach.
“He’s been punching hard in the mitts. That’s for sure,” wika ng longtime cornerman ni Pacquiao.
- Latest