Parker ‘di makakasama sa Manila leg Gilas bahagyang gumaan ang laban vs France
MANILA, Philippines – Posibleng hindi masilayan ng mga Pilipino si NBA star Tony Parker ng San Antonio Spurs sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo 4 hanggang 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mismong si Parker ang nagpahayag na magiging masikip ang kanyang iskedyul sa naturang buwan dahil nakatakdang magsilang ng kanilang ikalawang anak ang kanyang asawa sa huling bahagi ng Hulyo.
“I will need to talk with the France team. And negotiate with my wife, too. The schedule is very, very difficult,” ani Parker sa panayam ng isang French radio.
Si Parker ay bahagi ng France men’s national basketball team na ka-grupo ng Pilipinas sa Olympic qualifying.
Kasama ng France at Pilipinas sa Group B ang New Zealand habang nasa Group A naman ang Turkey, Senegal at Canada.
Dahil dito, mababawasan ng pangil ang France na isa sa pinakamalakas na koponang darating sa Pilipinas.
Ngunit hindi pa rin dapat maging kumpiyansa ang Gilas Pilipinas dahil malalim ang lineup ng France.
Nariyan pa rin sina Boris Diaw ng San Antonio, Nicolas Batum ng Charlotte Hornets, Evan Fournier ng Orlando Magic, Joffrey Lauvergne ng Denver Nuggets at Rudy Gobert ng Utah Jazz.
Unang makakaharap ng Pilipinas ang France sa Hulyo 5 kasunod ang New Zealand sa Hulyo 6.
Papasok sa crossover semifinals ang dalawang mangungunang koponan sa bawat grupo.
Tanging ang magkakampeon lamang ang siyang mabibiyayaan ng tiket sa Rio Olympics.
- Latest