Navy tumikim ng panalo sa Coast Guard

Laro Ngayon (The Arena, San Juan City) (V-League)

12:45 p.m. Army vs UP

3 p.m. PLDT vs Kia Forte (Spikers’ Turf)

5 p.m. IEM vs Navy

MANILA, Philippines – Nagpakitang-gilas ang mga beterana ng Philippine Navy Lady Sailors para kunin ang unang panalo sa Coast Guard Lady Dolphins, 25-20, 25-23, 25-21, sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sina Lilet Mabbayad at Pau Soriano ay tumapos taglay ang 18 at 11 puntos at sila ay nagsanib sa 25 attack points at ito ay mas mataas ng tatlong kills sa kabuuang ginawa ng Coast Guard na 22.

May 42 kills ang Navy at sapat ito para maisantabi ang galing ng Lady Dolphins sa blocks (4-3) at serve (5-2) para sa 1-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.

Ikalawang sunod na kabiguan ito ng Lady Dolphins at si Rossan Fajardo ang nanguna sa koponan bitbit lamang ang siyam na puntos.

Samantala, ginulat ng Sta. Elena ang PLDT Home Ultera Fast Hitters, 25-22,25-21, 14-25,29-27, para makatikim ng panalo sa Spikers’ Turf Reinforced Conference.

Nagpasikat sina Arjay Onia at Myco Antonio sa kanilang 17 at 12 puntos habang pitong iba pa ang pumuntos para sa balanseng pag-atake tungo sa 1-1 karta.

Show comments