Rising Suns nilusutan ang Fresh Fighters

MANILA, Philippines - Ipinakita ng Cagayan Valley Rising Suns na sila ang dapat katakutan sa PBA D-League Aspirants’ Cup nang ipalasap sa Hapee Fresh Fighters ang kauna-una­hang pagkatalo nito mula sa 80-77 panalo ka­hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naipasok ni Abel Galli­guez ang krusyal na three-pointer sa huling segundo ng laro para wakasan ang sam­pung sunod na panalo ng Hapee at isulong sa 10-0 ang baraha ng Cagayan.

Naitabla ni Troy Rosario ang iskor sa 77-77 mula sa kanyang dalawang free throws at matapos ang tres ni Galliguez ay sumablay ang 3-point attempt ni Garvo Lanete.

May 16 puntos si Galli­guez, habang ang No. 1 rookie pick na si 6-foot-7 Moa­la Tautuaa ay humakot ng 24 puntos, 9 rebounds at 4 assists.

Inangkin naman ng Jum­bo Plastic Giants ang ika­apat na upuan at ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quar­terfinals matapos pa­tumbahin ang MJM M-Buil­ders, 88-80.

Nalagay sa must-win ang Giants matapos kalusin ng Cebuana Lhuillier Gems ang MP Hotel Warriors, 93-62, sa unang laro.

Show comments