RTU humabol sa semis sa NAASCU
MANILA, Philippines – Tinalo ng Rizal Technological University Blue Thunder ang Diliman Computer Technology Senators, 60-57, para angkinin ang ikaapat at huling puwesto sa 14th NAASCU men’s basketball Final Four noong Linggo sa RTU Gym sa Mandaluyong City.
Si Renell Montecillo ang nagbigay ng panalo para sa home team sa kanyang dalawang free throws sa huling walong segundo.
Nagkaroon pa ng huling opensiba ang Diliman pero sablay ang sana’y panablang triple ni Ibrahim Quattara para angkinin ng RTU ang ikalimang panalo matapos ang 11 laro,
Selyado na nila ang puwesto sa semifinals dahil ang Senators ay may 3-8 karta lamang papasok sa huling laro ng elimination round.
Ang nagdedepensang kampeong CEU Scorpions at host St. Clare Caloocan Saints ay nanalo rin para manatili sa unang dalawang puwesto.
May 11-0 karta na ang Scoprions nang manalo sa Our Lady of Fatima University, 65-59, habang naisulong ng Saints ang winning streak sa 10 sunod matapos matalo sa unang laro laban sa CEU, sa pamamagitan ng 105-59 pagdurog sa City University of Pasay.
Ang CEU at St. Clare ay magtutuos ngayon para malaman kung sino ang mangunguna sa liga.
Ang OLFU ang siyang nasa ikatlong puwesto sa Final Four.
- Latest