Eala impake na sa Ningbo Open

MANILA, Philippines — Hindi na nakasampa sa quarterfinal round si Pinay tennis sensation Alex Eala matapos ang 5-7, 4-6 kabiguan kay Diana Shnaider ng Russia sa Round of 16 ng 2026 Ningbo Open sa China kahapon.
Bigo ang World No. 20 na si Eala na maduplika ang nauna niyang 6-3, 6-1 pagsibak kay No. 34 Diane Parry ng France sa Round of 32 kung saan nabigyan ng first-round bye ang No. 13 na si Shnaider.
“Definitely, Alex is very dangerous and tough opponent, also left handed and a big hitter,” sabi ni Shnaider kay Eala matapos ang kanilang laro. “She steps in, she rips the ball. I knew it was going to be a tough one.”
Nauna nang napatalsik ang 21-anyos na Pinay ace sa Round of 64 ng nakaraang Wuhan Open at sa Round of 16 ng Singapore Tennis Open.
Nakuha ni Eala ang 4-3 bentahe sa first set bago naagaw ng 22-anyos na si Shnaider ang sumunod na dalawang laro para sa 5-4 abante.
Naitabla ni Eala ang laban sa 5-5, ngunit ipinakita ni Shnaider ang kanyang mas malawak na eksperyensa para tuluyan nang angkinin ang first set, 7-5.
Naging matindi rin ang hatawan ng dalawang left-handed player sa second set kung saan muli silang nagtabla sa 4-4.
Hindi na nagpabaya si Shnaider, wagi ng limang WTA Tour singles titles mula 2024 hanggang 2025, para tapusin ang laro sa 6-4.
Nauna nang sinibak ng Russian netter si Kazakhstan’s Yulia Putintseva, 7-5, 7-6 (4), bago isinunod si Eala.
Sunod na lalabanan ni Shnaider sa quarterfinals ang best friend ni Eala na si American Iva Jovic na tumalo kay Jasmine Paolini, 6-4, 6-3.
- Latest


















