So, Ivanchuk tabla

MANILA, Philippines - Nauwi sa tabla ang la­ban nina Filipino GM Wesley So at Ukraine GM Vassily Ivanchuk sa ka­nilang pagtutuos para manatiling magkasalo sa liderato sa 9th Edmonton Chess Festival sa Edmonton, Alberta, Canada kahapon.

Umabot sa 60-moves gamit ang Sicilian opening ang labanan pero sa huli ay nagkasundo na maghati na lamang ang dalawang GMs sa pinaglabanang puntos para magkaroon na  ng tig-3.5 puntos matapos ang apat na rounds.

Sampung manlalaro ang kasali sa kompetisyon at ang mga naunang tinalo ng 20-anyos na si So ay sina Canadian IM Raja Panjwani at Richard Wang at US GM Samuel Shanklang.

Ang iba pang kasali ay sina Canadian GM Anton Kovalyov, US GM Irina Krush, Canadian FM Vladimir Pechenkin, Alex Yam at Dale Haessel.

Samantala, tinalo ni WFM Janelle Mae Frayna ang dating nangunguna na si IM Jan Emmanuel Garcia upang magkaroon ng pagbabago sa liderato sa isinasagawang Battle of the Grandmasters sa PSC Athletes Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ang natatanging lady chess player na kasali sa Open ay may 13.5 puntos katulad ni Garcia para magsalo sa ikatlong puwesto matapos ang anim na round.

Nanalo si GM John Paul Gomez kay IM Joel Pimentel para tumalon mula sa ikatlong puwesto tungo sa  solo-liderato bitbit ang 15 puntos.

Nagtabla ang kauna-unahang GM ng Asia na si Eugene Torre at US-based Banjo Barcenilla para maiwanan si Torre ni Gomez ng isang puntos tungo sa pangalawang puwesto (14 points).

Show comments