Macaranas may laban sa Asiad, magsasanay sa Hungary
MANILA, Philippines - Dalawang training camp at isang kompetisyon ang susuungin ng rower na si Hermie Macaranas para mapaghandaan nang husto ang pagsali sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ang 19-anyos na si MaÂcaranas na nanalo ng bronze medal sa canoe singles sa 1000-metro sa unang sali sa SEA Games sa Myanmar noong nakaraang taon ay nasama sa delegasyon dahil sa kanyang potensyal para manalo sa mga susunod na malalaking kompetisyon na sasalihan ng Pilipinas.
Pinahintulutan ng Task Force Asian Games sa pangunguna ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia ang kahilingan ng Philippine Canoe-Kayak FeÂderation (PCKF) na ipadala si Macaranas sa Hungary.
Sasailalim ang batang rower sa dalawang linggong pagsasanay bago sumali sa ICF Junior & 23 Canoe Sprint World Championships mula Hulyo 17 hanggang 20.
Matapos ang kompetisyon, ipadadala si Macaranas sa Russia para sa isa pang pagsasanay. Mula sa Russia ay didiretso na siya sa Incheon para lumahok sa Asian Games mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Nauna nang sinabi ni Garcia na nagsimula na ang pagsuporta ng PSC sa mga atleta sa kanilang paghahanda para sa Asian Games at ang pagkukuhanan ng pondo ay ang P50 million dagdag pondo na inilaan lamang para sa pagsasanay ng mga atleta.
Kasama sa nabigyan na ng tulong si Fil-Am BMX rider Daniel Caluag na siyang sinisipat bilang pambato sa ginto dahil siya lamang ang Asian rider na nakapasok sa London Olympics sa kanyang event. (ATan)
- Latest