Barako iniligtas ni Wise

MANILA, Philippines - Hindi siya ang ikinukun­siderang kapana-panabik na import.

Ngunit nagagawa naman niya ang kanyang trabaho.

Isinalpak ni import Eric Wise ang isa sa dalawa niyang free throws sa natitirang 1.3 segundo para iligtas ang Barako Bull laban sa Meralco, 95-94, sa pagsisimula ng 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart  Araneta Coliseum.

Kumolekta ang 6-foot-5 na si Wise ng 33 points, 16 rebounds at  6 assists para sa panalo ng Energy Cola.

“Eric is not the flashiest import pero malalaman mo lang ‘yung (galing ng) import pagdating sa game,” sabi ni Siot Tanquingcen, ang bagong head coach ng Barako Bull.

Nauna nang nagtayo ang Energy Cola ng 21-point lead, 46-25, sa second period bago ipos­te ng Bolts ang kanilang 11-point advantage, 86-75, sa huling limang minuto sa final canto.

Ibinigay ni Wise ang 94-92 abante sa Barako Bull sa huling 30.1 segundo kasunod ang dalawang free throws ni Gary David na nagtabla sa Meralco sa 94-94 sa natitirang 5.1 segundo.

Nakakuha si Wise ng foul kay NBA veteran Terrence Williams sa nala­labing 1.3 segundo para sa kanyang split.

Samantala, binigyan ni import Bill Walker ng magandang debut ang Alaska Aces sa pamama­gitan ng 94-87 panalo laban sa San Miguel Beer sa ikalawang laro.

Tumapos si Walker ng 27 puntos para ibandera ang Aces sa unang panalo.

Show comments