Mga beterano umangat sa PNG

   Kumunekta ng kaliwa si Junrel Jimenez ng Cebu (red) kay Jaybee Canedo (blue) ng Camarines Sur sa boys lightflyweight 46-49kg  boxing event ng Philippine National Games kahapon sa Rizal Memorial Coliseum. (Joey Mendoza)

MANILA, Philippines - Kagaya ng inaasahan, muling ipinakita ng mga beteranong sina Narcisa Atienza ng Baguio at Rosie Villarito ng Bacolod ang kanilang eksperyensa nang kumuha ng gintong medalya sa athletics event ng PSC Philippine National Games kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Inangkin ni Atienza ang ginto sa women's high jump matapos lumundag ng taas na 1.70 metro para talunin sina Joeann Bermudo ng Philippine Air Force-A (1.60m) at Charrie Catanan ng PLDT (1.58m).

Naghagis naman si Villarito, ang 2009 Laos SEA Games gold medalist, ng 48.55m sa ikaanim at huling attempt para maibulsa ang gold medal sa javelin throw.

Inungusan niya sina Evalyn Palabrica (39.66m) ng PAF-A at Jenelyn Arle (38.11m) ng University of the Philippines.

Ang nasabing marka ng 34-anyos na si Villarito ay lampas sa 48.43m para sa bronze medal sa nakaraang SEA Games sa Myanmar noong 2013.

Inangkin naman ni Katherine Solis ng Baguio ang ginto sa long jump nang lumundag ng 5.87m kasunod sina Felyn Dolloso (5.39m) ng DLSU-Dasmariñas at Singaporean Jannah Nurul (5.39m).

Si Santos ang bronze medalist noong 2011 SEA Games kung saan siya naglista ng 6.25m sa Indonesia.

Sa Tagaytay, sinikwat ni Jerich Far ang gold medal sa mountain bike downhill event nang magrehistro ng 1:54.81 para iwanan sina Eleazar at Joey Barba na naorasan ng 1:55.46 at 1:56.65, ayon sa pagkakasunod, sa taunang sports meet na itinataguyod ng Summit Natural Drinking Water, Forever Rich Philippines, Bala Energy Drink, Standard Insurance at SM Marikina.

Show comments