PLDT-MyDSL pahihigpitin pa ang kapit sa liderato

Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

2 pm  PLDT-MyDSL

 vs Cagayan (W)

4 pm  RC Cola vs Petron (W)

6 pm  Systema

 vs Giligan’s (M)

 

MANILA, Philippines - Panatilihing malinis ang imakuladang kampanya ang pakay ng PLDT-My-DSL sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix sa paggapi sa Cagayan Valley sa pagtatapos ngayong hapon ng classification round sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Galing ang Speed Boos­ters sa four-setter panalo sa baguhang RC Cola noong Biyernes para itulak ang malinis na karta sa 4-0.

Selyado na ng bataan ni coach Roger Gorayeb ang isa sa dalawang awto­matikong puwesto sa Final Four sa panalong iyon sa ligang inorganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation (FIVB).

“Hindi na masyado ang pressure. Pero kailangan pa rin naming maglaro nang husto bilang pagha-handa na rin sa semifinals,” wika ni Gorayeb.

Ang mga American imports na sina Savannah Noyes at Kaylee Manns ang mamumuno sa kopo­nan pero asahan din ang pagkinang ng mga locals na nais ni Gorayeb na hindi sasandal nang husto sa kanilang mga imports.

May 3-1 baraha ang Lady Rising Suns at pursigido silang manalo para sa quarterfinals.

Ang makukuhang pa­nalo ng Cagayan ay mag­reresulta sa three-way tie sa unang puwesto sa 4-1 baraha.

Pero mas mataas ang quotient ng Speed Boos­ters at Lady Troopers sa Lady Rising Suns para ma­laglag ito sa quarterfinals.

Mag-uunahan naman sa paghagip ng unang panalo ang RC Cola at Petron na magtutuos matapos ang 2 p.m. opening game.

Parehong may 0-4 karta ang Raiders at Blaze Spi­kers at ang mananalo ang malalagay sa ikalimang pu­­westo sa standings.

Ang ikatlong laro ay sa pagitan ng  Giligan’s at Systema na isang do-or-die sa men’s division.

Show comments