PhilHealth humabol sa quarters sa UNTV Cup

MANILA, Philippines -  Inungusan ng PhilHealth ang Metro Manila Development Autho­rity (MMDA), 77-71, para ma­kuha ang No. 4 spot ka­sama ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals ng 1st UNTV Cup sa Treston Colelge Gym sa The Fort, Taguig.

Umiskor ang PhilHealth ng 24 points sa final period para sa kanilang 3-3 record sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (4-2).

Humakot si Alex Norie­ga ng 23 points, 18 rebounds, 5 blocks at 3 steals para banderahan ang PhilHealth.

Nalasap ng MMDA, na­kahugot ng tig-13 points kina Maximo Guittap at Alden Nodado, ang kanilang ikaapat na kabiguan sa anim na laro.

Tinalo naman ng Philippine National Police ang Congress-LGU, 95-84, sa isa pang laro.

Bagamat may 2-4 ba­raha ang MMDA at ang Congress-LGU ay nakamit pa rin ng una ang No. 5 slot dahil sa kanilang nakaraang panalo sa huli.

Sa crossover quarterfi­nals ay magtatapat ang AFP at ang Congress-LGU at lalabanan ng PhilHealth ang MMDA.

Ang mga mananalo ang aabante sa semis kalaban ang PNP at  Judi­ciary.

Show comments