Win no. 2 puntirya ng Meralco Army sasalang na vs FEU

 Rachel Anne Daquis

MANILA, Philippines - Bubuksan ng dating kampeon na Phi­lippine Army ang kampanya sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ngayon sa pagharap sa FEU sa The Arena sa San Juan City.

Kihuna ng Lady Troopers ang mga dating MVPs na sina MJ Balse, Nene Bautista at Rachel Anne Daquis para patingkarin ang paghahangad na mabawi ang 2011 title.

Sa ikalawang edisyon ng Open Confe­rence sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza noong 2012 ay tumapos lamang ang Army sa ikatlong puwesto.

Hindi naman dapat na magkumpiyansa ang mas beteranong koponan dahil pupukpok ang Lady Tamaraws para makabangon matapos ang 16-25, 5-25, 19-25, pagkatalo sa kamay ng Smart-Maynilad sa pagbubukas ng liga na may suporta pa ng Accel at Mikasa noong Linggo.

Unang laro ito sa alas-2 ng ha­pon at susundan ito ng sukatan ng Philippine Navy at Cagayan Province da­kong alas-4 ng hapon at ang pagkikita ng Meralco at Philippine Air Force sa alas-6 ng gabi.

Ang Meralco ay kasalo ng Smart sa unahan sa 1-0 baraha matapos lusutan ang Philippine National Police, 25-17, 17-25, 21-25, 25-15, 15-9, noong Linggo.

Si dating UAAP MVP Maureen Penetrante-Ouana na gumawa ng 12 kills, 4 service aces at 3 blocks sa naunang laro, ang mangunguna uli para biguin ang Air Women na hinugot sina Maika Ortiz, Judy Ann Caballejo at Joy Cases.

 Babalikatin naman ng Cagayan, runner-up sa Sandugo noong nakaraang taon, ng mga kilalang scorers na sina Aiza Maizo, Sandra delos Santos, Joy Benito at Angeli Tabaquero habang ang Lady Sailor ay sasandal sa mga beteranong sina Michelle Laborte, Janeth Serafica at Abigail Praca.

Show comments