Jones Cup champ gagawaran ng PSA President’s award

MANILA, Philippines - Mula sa kanilang pagkakampeon sa Williams Jones Cup sa Taiwan sa unang pagkakataon matapos ang 14 taon, gagawaran ang Gilas Pilipinas ng President’s award sa PSA-Milo Annual Awards Night sa Marso 16 sa Manila Hotel ballroom.

Makakasama ng Gilas sa entablado ang mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa noong 2012.

Ang mga ito ay sina boxer Nonito Donaire, female fighter Josie Gabuco, ang Manila women’s softball team at ang Ateneo Blue Eagles, ang co-winners ng PSA Athlete of the Year Award.

Sa paggiya ni coach Chot Reyes, nagposte ang Gilas ng 7-1 record sa one-round tournament, kasama na ang 76-75 paglusot laban sa United States para sa korona.

Ang mga dinaig ng Gilas ay ang Jordan (88-78), Guangha (99-68), Korea (82-79), Japan (88-84) at Iran (77-75), habang  yumukod naman sila sa Lebanon (72-91).

Huling nagkampeon ang bansa sa Jones Cup noong 1998 sa pamamagitan ng PBA Centennial Team ni mentor Tim Cone.

Ito ang ikatlong Jones Cup crown ng bansa matapos ang panalo ng tropa ni Danding Cojuangco.

 

Show comments