Donaire gustong iganti si Pacquiao laban kay Juan Ma

MANILA, Philippines - Kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay gusto niyang labanan si Juan Manuel Marquez para maiganti si Manny Pacquiao.

Ito ang sinabi ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa panayam ni Boy Abunda sa programang Bandila ng ABS-CBN noong Biyernes ng gabi.

“For now it’s impossible pero kung may posibilidad ay gagawin ko,” wika ng 30-anyos na si Donaire sa pag-akyat niya sa welterweight division para lamang makatapat ang 39-anyos na si Marquez.

Pinatulog ni Marquez ang Filipino world eight-division titlist na si Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang pang apat na paghaharap noong Disyembre 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sa huling segundo naman ng third round pinabagsak ni Donaire si Mexican challenger Jorge Arce sa kanilang banggaan noong Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.

Matagumpay na naidepensa ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire ang kanyang suot na World Boxing Organization super bantamweight title kontra sa 34-anyos na si Arce na tuluyan nang nagretiro.

Bago si Arce, si Japanese superstar Toshiaki Nishioka muna ang pinatigil ni Donaire sa pagboboksing matapos umiskor ng isang ninth-round TKO noong Oktubre.

 

 

Show comments