Sariling record giniba ni Unso

MANILA, Philippines - Binigyang kinang ni Patrick Unso ang laban ng Team UAAP-Philippines nang burahin ang sariling natio­nal record tungo sa pilak na medalya sa 110m hurdles sa pagpapatuloy noong Linggo ng 16th ASEAN University Games sa Vientiane, Laos.

Tinabunan ni Unso ang 14.58 segundo marka na naitala sa Palembang SEA Games noong nakaraang taon nang gumawa ng 14.49 tiyempo sa finals ng nilahukang event.

Ngunit mas mababa ito ng 12 milliseconds sa oras ni Mohamad Rohaizad Jamil ng Malaysia na 14.37 tungo sa gintong medalya.

Tatlong pilak pa ang nakuha ng delegasyon na ibinigay ng mga swimmers na sina Johansen Aguilar at Claire Adorna at taekwondo jin Leigh Anne Nuguid.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroong 2 ginto, 7 pilak at 10 bronze medals para manatiling nasa ikaanim na puwesto. Ang dalawang ginto ay naihatid nina jins Christian Al dela Cruz at Ernest John Mendoza para pamunuan ang ibinigay na 2 ginto, 3 pilak at 2 bronze medals mula sa larong taekwondo.

Ang Malaysia ang nananatiling nasa unahan sa 31-23-28 pero nananakot ang Vietnam na may 26-17-13 medal tally.

Show comments