Skyforce pinigil ng Jekasa Sportwear

MANILA, Philippines - Pinigilan ng Jekasa Sportwear ang target na ikalawang dikit na panalo ng Skyforce Team nang angkinin ang 85-79 panalo sa 2nd DELeague Open Invitational Basketball Cup noong Martes ng gabi sa Marikina Sports Park Gym sa Marikina City.

Tumipak ng 24 puntos si Lemuel Cardona at 12 rito ay ginawa sa ikatlong yugto na kung saan lumayo ang kanyang koponan. May 14 pa si Bosyong Diaz  at ang Jekasa ay umakyat sa 2-1 baraha sa Group A.

Nasayang naman ang 28 puntos ni dating PBA player Mark Macapagal at 9 points at 8 boards ni Allan Salangsang sa pagkatalo ng Skyforce na umani ng atensyon sa pagbubukas ng liga nang gulatin ang nagdedepensang Sta. Lucia East Grand Mall, 89-87.

Dinurog naman ng Steel Trust Corporation ang Globe Telecom, 100-47, sa isa pang laro.

Itinabla ng Steel Trust ang karta sa 1-1 at nakasalo ang Skyforce at Sta. Lucia East Grand Mall habang 0-2 na ang Globe sa Group A.

Inorganisa ni Marikina Mayor Del de Guzman at suportado ng OLOPS College, Jekasa Sportswear, Hobe Bihon, Mckie’s Video, Simply Delicious, Luyong Panciteria at Boiengs Gym, ang liga ay magpapahinga hanggang Sabado dahil sa paggunita ng Undas.

Balik-aksyon ang torneo sa Linggo sa pagkikita ng PL iTrade Inc at DSM Construction at Sta. Lucia East Grand Mall at ACS Team.

Show comments