Digong, feeling President pa!

LILINAWIN ko lang na noong nakaraang eleksyon, ang ibinoto kong Presidente ay si Leni Robredo. 

Kaso, ang nagwagi at naging Presidente natin ngayon ay si Bongbong Marcos. Kaya bilang isang matuwid ang isip na mamamayan, kinikilala ko siyang duly elected President. 

Iyan din ang dapat maging takbo ng isip ng lahat kahit ‘yung mga hindi bumoto kay Bongbong.

Dahil kung puro pagpapatalsik sa nakaupong Presidente ang aatupagin, lahat na lang ng mabobotong Presidente ay hindi makatatapos ng termino at patuloy na mababansot ang bansa. 

Pero itong si dating Presidente Digong Duterte ay astang siya pa ang Presidente ng bansa. Pinangungunahan ang mga rally na nananawagan sa pag-atras ng suporta ng militar kay Marcos!

Nag-iisip naman ng matino ang mga mamamayang Pinoy, di ba? Siya itong may issue hinggil sa kahina-hinalang secret deal sa China nang siya’y Presidente pa. Isang kasun­duang walang kasulatan at hindi ipinaalam sa sumunod na administrasyon kaya ang mga sasakyang pandagat ng ating militar ay kinakanyon ng tubig ng China sa sarili nating exclusive economic zone. 

Si Duterte ang nagsuko sa karapatan natin sa karagatan ng West Philippine Sea na isang kataksilan sa Inambayan! Si Duterte ang nahaharap sa kasong crime against huma­nity sa International Criminal Court dahil sa walang habas na pagpatay sa mga sangkot sa droga na pati ang mga ino­senteng tao ay dinamay.

Personal ang interes ni Digong. Ito ay ang mapabilis ang pagluklok ng anak niyang si VP Sara bilang Presidente. Kaya may “aso” siyang tagakahol ng “Marcos resign!” Iyan si Rep. Pantaleon Alvarez.

Show comments