Xi-cret deal Xi-nadya

Tigok na talaga ang alyansang Marcos-Duterte. Nagpa­kita na ng matinding galit si Presidente Bongbong Marcos sa “secret deal” na pinasok ni dating Pangulong Duterte kay China’s President Xi Jinping nang ito ay Pangulo pa ng Pilipinas.

“Ano ang isinuko mong teritoryo sa China at nagpapa­kita ito ng galit tuwing tutungo tayo sa ating teritoryo sa West Philippine Sea” ang pagalit na tanong ni Marcos. Pinipilit kasi ng China na tayo ang nag-uudyok ng digmaan dahil pinu­pro­tektahan lang nito ang soberenya ng China.

Sabi ni Marcos, abogado pa namang naturingan si Duterte, bakit walang dokumento sa kasunduan. At bakit inilihim­ ito sa sambayanang Pilipino? Oo nga naman. Karapatan ng bawat Pilipino na malaman ang mga kasunduan pinapasok ng pamahalaan sa ibang bansa.

Kaya nang maluklok si Marcos bilang bagong Pangulo, clueless siya kung bakit itinataboy tayo ng China sa lugar na ating exclusive economic zone. Sa palagay ko, ang kasunduan pinasok ni Duterte ay sinadyang ilihim sa papasok na administrasyon para pahiyain at ipahamak ito. Sa simula pa lamang ng kampanya noon, halata ko na peke ang ipi­nakikitang suporta at pakikiisa ni Duterte kay Marcos.

Ipinahiwatig na niya noon pa na may Presidential can­di­date na lulong sa cocaine na ang pinatutungkulan ay si Marcos, Jr. Pinabubulaanan ni Duterte na may secret deal siyang pinasok gayung Ito’y nauna ng inamin ni Atty. Harry Roque na tinawag niyang “gentlemen’s agreement.”

Klarung-klaro na ang gusto ng China na mawala ang kala­wanging barko nating BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, bagay na laman ng verbal agreement ni Duterte kay Xi.

Disimulado nga naman kung ang demand ng China ay huwag magdala ng construction materials para kumpunihin ang barko para Ito’y tuluyan nang kainin ng kalawang.

Show comments