^

Mabuti na kaysa sa wala

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 18, 2021 - 12:00am

Ang bakuna ng AstraZeneca naman ang nabibigyang pansin. Ang Denmark, Iceland, at Norway ay sinuspindi ang pagbigay nito matapos ang ilang ulat na ilan sa mga nakatanggap ay nagkakaroon ng blood clots.

Isang nakatanggap sa Italy ay namatay matapos magkaroon ng deep vein thrombosis. Ngunit wala pang ebidensiya na direktang sanhi ng bakuna ang pagkamatay. Pamilyar, hindi ba? Ang pinagkaiba ay walang lumutang at sinisi ang AstraZeneca para sa mga naganap na epekto. Dahil sa mga ulat sumunod na rin ang ibang bansa sa Europe sa pagsuspindi ng pagbigay ng bakuna ng AstraZeneca.

Pero ayon sa European Medicines Agency (EMA) at ng UK “walang pahiwatig na ang pagbabakuna ay naiugnay sa mga thromboembolic event.” Patuloy naman ang pagsisiyasat kung ang bakuna ay sanhi nga ng mga epekto. Naninindigan naman ang kumpanya na ligtas gamitin ang kanilang bakuna.

Hindi ako nagtaka kung bakit nasusuri ang mga bakuna ngayong marami ang nagsimulang bakunahan ang kani­lang mga mamamayan. Bilang paghahambing, wala pang naririnig mula sa mga tumanggap ng bakunang Sinovac mula China, sa kabila ng mababang efficacy rate nito. Nagpahayag naman ang DOH at FDA na ipagpapatuloy ang pagbigay ng bakuna.

Ito ay kaso ng pagtimbang ng benepisyo sa mga epekto. Bagay na hindi natukoy sa isyu ng Dengvaxia. Sa halip ang buong isyu ay pinulitika at ginamit na armas sa panahon ng halalan. Walang ginawang pag-aaral kung ang mga lugar kung saan pinangasiwaan ang Deng­vaxia­ ay nakakita ng pagbawas sa bilang ng mga kaso. Tandaan, 830,000 ang nakatanggap ng bakuna. Nakinabang ba sila?

Dapat nating maunawaan ang lahat ng mga bakunang lumalabas ay mabilisang nilikha dahil sa pandemya. Bumagsak ang ekonomiya ng lahat kaya kinakailangan ng bakuna upang maibalik sa normal ang buong mundo.

Ngunit ang virus ay nagpapatunay na isang hamon sa paglitaw ng mga variants ngayon. Ang coronavirus na ito ay hindi pa napag-aaralan nang lubos o naiintindihan kaya ang isang bakuna na nagbibigay ng kumpletong kaligtasan sa sakit ay maaaring malayo pa bago malikha. Ang inaasahan sa pagbigay ng bakuna ay bumagal o mabawasan ang mga nahahawahan.

At kailangang pabagalin ang bilis ng pagkalat muli ng virus. Ilang araw ng 3,000 o higit pa ang bilang ng mga positibo. Kung ayaw na munang gamitin ng mga bansa sa Europe ang AstraZeneca, dapat hilingin na lang natin. Kulang na kulang pa ang mga bakunang dumating sa bansa. Hindi dapat nasasayang ang ganyang mga oportunidad na mabigyan ng proteksiyon. Ika nga, mabuti na kaysa sa wala.

ASTRAZENECA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with