^

Away ng 2 biyuda

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 10, 2021 - 12:00am

Ang kasong ito ay tungkol sa kasal bilang basehan ng lipunan sa isang sibilisadong mundo. Sa ating batas, ang kasal ay hindi lang isang kontrata kundi isang bagong relasyon o institusyon na interesado ang madla. Kumikiling ang batas sa legalidad nito. Kaya ang isang babae at lalaki na nagsasama sa iisang bubong na parang mag-asawa ay itinuturing na kasal maliban at may ebidensiya o kontra reklamo sa kanilang pagsasama. Ito ay inilalarawan ng kaso nina Tessie at Eddie.

Sina Tessie at Eddie ay ikinasal ng kura-paroko ng kanilang bayan noong Set. 30, 1942. Nagkaroon sila ng apat na anak: Cardo na isinilang noong Marso 3, 1943, Andy noong Agosto 2, 1948, Millie noong Hulyo 6, 1950 at Jun, Disyembre 5, 1952.

Labindalawang taon pagkatapos nilang magpakasal ay nilayasan ni Eddie ang pamilya at hindi nagpakita man lang sa kanila. Apat na taon ang nakalipas bago nabalitaan ni Tessie at mga anak na nasa isang siyudad sa timog si Eddie at nakikisama kay Vangie. Namatay ang babae at wala silang naging anak.

Dalawampu’t limang taon mula nang lisanin ni Eddie ang kanilang tahanan ay nalaman ni Tessie na muling nagpakasal ang mister sa ibang babae, si Gina na pinakasalan nito noong Marso 30, 1979 sa isang simbahan sa siyudad kung saan nakatira ang lalaki. Pagkamatay ni Eddie ay saka naisipan ni Tessie na magsampa ng reklamo para ipawalambisa ang kasal nito at tuloy nagsampa na rin siya ng petisyon para habulin ang karapatan ng mga anak sa mga ari-arian ng lalaki.

Sa paglilitis, tumestigo si Tessie tungkol sa pagpapakasal niya kay Eddie sa isang seremonyas na ginanap sa simbahan na ginawa mismo ng kura-paroko nila. Tumestigo rin si Lina na kapatid ni Eddie at nakasaksi mismo sa kasal. Naging testigo rin si Cardo na panganay na anak ng mag-asawa at nagsumite ng ebidensiya na pruweba ng kasal tulad ng kanyang birth certificate na nakalagay ang kanilang mga pangalan. Ang kasamiyento lang ng kasal ang wala dahil ang mga rekord ng civil registrar ay nasunog noong World War 2.

Sa kabilang banda, si Gina ay tumestigo tungkol sa kasal nila ni Eddie noong Marso 23, 1979, sa buhay niya bilang isang maybahay at sa pag-aalaga niya sa mister noong mahina na ang katawan nito. Ayon daw sa pagkakaalam ni Gina ay hindi naman talaga asawa ni Eddie si Tessie kundi kinakasama lang dati. Pinakita niya ang marriage contract nila ni Eddie pati isang salaysay na ginawa ng lalaki patungkol sa pagiging binata nito at ang pakikipaglive-in kay Tessie pati isang certificate mula sa local civil registrar na may record ng kasal nila.

Pagkatapos ng paglilitis, naglabas ng desisyon ang RTC na binabasura ang petisyon ni Tessie na ipawalambisa ang kasal nina Gina at Eddie pati ang kontra-reklamo ni Gina ay hindi rin nito pinagbigyan. Pero binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon at dineklarang ang kasal nila Tessie at Eddie ang legal. Ang pangalawang kasal kay Gina ay pinawalambisa ng CA. Tama ba ang CA?

Tama. ayon sa Supreme Court, ang kasamiyento ng kasal ay isa sa pangunahing ebidensiya ng kasal pero hindi ito masasabing nag-iisa at esklusibong ebidensiya ng kasal. Halimbawa, ang birth certificate ay magagamit din na ebidensiya patungkol sa kasal ng kanyang mga magulang.

Mali ang sabihin ng RTC na walang kasal dahil lang wala ang marriage certificate at walang ibang ebidensiya na tatanggapin. Sa kasong ito, napatunayan ang pagpapakasal nila Eddie at Tessie sa pamamagitan ng kapatid nitong si Lina na saksi ng kasal at pati na rin ni Tessie. Ang pagkawala ng rekord ng kasal ay pinatotohanan ng pari na nagkasal sa kanila at gumawa ng salaysay tungkol dito. Ang NSO (National Statistics Office) at local civil registrar ay gumawa rin naman ng kaukulang sertipikasyon sa pagkawala ng mga rekord nila kaya puwedeng tumanggap ng ibang ebidensiya tulad ng testimonya patungkol dito.

Sa kasong ito, sapat na ang naging testimonya nina Tessie, Lina at Cardo. Walang ebidensiya kontra sa naging pagsasama at pagsilang ng apat na anak nina Tessie at Eddie o maging sa naging pahayag ng pari na nagkasal sa kanila. Isa pa, ipinapalagay na kasal ang isang lalaki at isang babae na nagsasama bilang mag-asawa ayon nga sa ating batas (Section 334 no. 28) Macua Vda. De Avenido vs. Avenido, G.R. No. 173540, January 22, 2014).

BATAS KASAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with