^

Tamang hatol, maling parusa (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - December 29, 2020 - 12:00am

AYON sa Art. 335 ng Revised Penal Code, kapag ang rape ay ginawa ng amain ng biktima, puwede siyang maparusahan ng death penalty basta maayos na ipinakita sa impormasyon ang relasyon ng akusado at ng biktima pati napatunayan sa paglilitis. Kung ka live-in lang ba ng nanay ng biktima ang akusado ay uubra pa rin na kamatayan ang parusa? Ano ba ang dapat patunayan sa hukuman para ipakitang siya ang amain o madrasto ng biktima? Ang mga tanong na ito ang sasagutin sa kaso. Pag-uusapan din natin kung may epekto sa kredibilidad ng testimonya ng biktima ang hindi niya agad pagsasampa ng reklamo.

Ang kasong ito ay tungkol sa mabait at masunurin pero umaastang tomboy na si Jackie. Siya ang nag-iisang anak nina Doray at ng namayapa niyang asawang si Mando. Noong tatlong taong gulang pa lang si Jackie ay naki­sama si Doray kay Edgar na walang basbas ng kasal. Iti­nuring na ama ni Jackie si Edgar at tinatawag pa na “Papa”. Para suportahan ang mag-ina ay anim na araw sa isang linggo nagtatrabaho sa pabrika si Edgar. Si Doray naman ay nag­lalako ng pagkain at inumin sa isang sayawan hanggang hatinggabi.

Noong kinse anyos na si Jackie, isang gabi ng Sabado ay sinamantala ni Edgar na wala pa si Doray. Niyakap niya si Jackie, tinutukan ng kutsilyo sa leeg at sinabihan na huwag sisigaw. Sa kabila ng pagpipiglas ni Jackie ay napagtagumpayan siyang gahasain ni Edgar matapos lamasin ang kanyang dibdib at itali ang kanyang mga paa sa poste ng kama. Dalawang Sabado ng buwan ng Marso at Hulyo ay naulit pa  ang pagsasamantala ni Edgar sa anak-anakan.

Nang hindi na makatiis sa kahayupan ng amain at sa kawalan ng pakialam ng ina ay piniling maglayas ni Jackie­. Sa loob ng tatlong buwan, namasukan siya bilang katulong. Bandang huli ay umalis siya sa kanyang amo at naging palaboy sa kalye kasama ng kanyang mga kabarkada. Nahuli siya ng pulis na nagnanakaw ng mga kaha ng sigarilyo sa isang tindahan sa palengke.

Nang kinakausap ni SPO4 Marites ay ikinuwento ni Jackie ang kanyang masaklap na karanasan. Sinabi niya na naglayas siya mula sa kanilang bahay dahil tatlong beses siyang hinalay ng amain na si Edgar. Hindi na raw niya tanda ang eksaktong araw at petsa pero ang mas masakit daw ay ang ipinakitang kawalan ng interes ng ina niyang si Doray sa nangyayari. Pinagkatiwala siya sa DSWD pagkatapos ay tatlong kaso ng rape ang isinampa sa RTC laban sa kanyang amain na si Edgar na tinukoy bilang “stepfather” ng biktima. (Itutuloy)

SUPREME COURT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with