EDITORYAL - Ginagawang basurahan ang mga ilog at estero

EDITORYAL - Ginagawang basurahan ang mga ilog at estero

(Pilipino Star Ngayon) - November 23, 2020 - 12:00am

Nang bumaha sa Marikina noong Nobyembre 12, kasamang lumutang ang sandamukal na basura. Tinangay ang mga ito nang malakas na agos nang umapaw ang Marikina River. Kaya hanggang ngayon, naglilinis pa ang mga residente, hindi lamang ng putik kundi pati na rin ng sangkaterbang basura.

Sari-saring basura ang tinangay ng baha sa Marikina na hanggang ngayon ay hindi matukoy kung saan nang­galing. Karamihan sa mga basura ay plastic na hindi nabubulok – plastic na supot, grocery at shopping bags, plastic na silya, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee at coffee creamer, tube ng toothpaste at mga sako ng bigas at iba pang mga basura.

Ang tanawing ito ay walang ipinagkaiba noong 2009 na manalasa ang Bagyong Ondoy at napuruhan din ang Marikina. Marami ring basura ang pinadpad sa loob ng mga bahay at ilang araw din ang ginugol ng mga residente sa paglilinis. Mga basura rin na hindi nabubulok ang pinadpad noon. Walang ipinagkaiba ang nangyari noon sa ngayon.

Wala pa ring disiplina sa pagtatapon ng kanilang mga basura ang mga tao. Tapon lang nang tapon. Tiyak na ang mga nakatira sa pampang ng Marikina River ang nagtatapon ng mga basura. Wala namang magtatapon kundi ang mga informal settlers na walang pakialam kung dumumi man ang ilog at maging dahilan nang pagbaha ang basurang itinatapon.

Ang nangyayaring ito na kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura ay nararapat solusyunan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang tanggapang ito ang may responsibilidad para hindi masalaula ang kalikasan at likas na yaman.

Nasaan ang pangako ni DENR Secretary Roy Cimatu na wawakasan na ang mga gumagawa ng krimen sa kali­kasan at kapaligiran. Matatandaan na nagbabala siya noong nakaraang taon sa mga gumagawa ng katampalasanan sa Inang Kalikasan. Aniya, mahigpit niyang ipatutupad ang environmental laws at mga ordinansa.

Subalit walang nakitang pagbabago at lalo pang dumami ang mga tumatampalasan sa kapaligiran. Marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa mga ilog, sapa at estero. Lahat nang itinapong ito ay hahantong sa karagatan at ang mapipinsala naman ay mga laman­dagat at corals.

Magkaroon nang ibayong tapang ang DENR na maipatupad ang batas nang maturuan ng leksiyon ang mga nagtatapon ng basura. Kung maaari, “kamay na asero” ang gamitin sa mga iresponsableng mama­mayan na walang pakundangang nagtatapon ng basu­rang plastic sa mga ilog at estero. Kung hindi ganito ang gagawin ng DENR, mauulit ang pagbaha.

DENR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with