Mahabang walang pasok, masama sa kinabukasan

Matutuwa ang mga bata, ani Rody Duterte, kapag i-extend niya ang school break hanggang Disyembre dahil sa COVID-19. Di makakahintay ang mga magulang­. Ngayon pa lang ginugugol nila ang mahabang lockdowns sa pag-review ng mga anak sa alam ng subjects. ‘Yung mga maykaya ay ine-enroll sila sa online math-science tutoring o sa mental-emotional skills para abante sa pasukan. Ang mga nagtatrabahong magulang ay binibili­nan sila na manood ng matitinong palabas sa TV, bukod sa pag-aalaga ng mga batang kapatid, imbis na puro video­games.

Tuwing bakasyon nalilimutan ng mag-aaral ang 20-50% ng natutunan sa school. Dahil sa “learning loss”, ani Love Basillote, executive director ng Philippine Business for Education, isang buwan silang nirerepaso sa simula ng bagong school year. Mas mahabang break, mas maraming limot-aral. Masaklap kung, dahil namiha­sang istambay, nawalan nang tuluyan ng interes ang bata bumalik sa klase. Sa krisis ekonomiya ngayong pandemic maraming magulang ang nawawalan ng trabaho. Napipilitang maghanapbuhay ang mga bata. Hindi sila maaasikaso ng magulang, lalo na kung hindi rin edukado.

Pagsusuri sa Sweden nawawalan ang batang nakatunganga nang $173 (P8,825) araw-araw. Kalahati nu’n ay kita sana ng magulang kung nakapagtrabaho imbis na nag-alaga sa bahay, at kalahati ay katumbas sa bagsak sa buwanang sahod ng mag-aaral pagdating ng panahon. Mas malaki ang kita sa Sweden kaysa Pilipinas, pero masakit din ang tama sa bulsa ngayon at sa kinabukasan. Muli, mas mahabang bakasyon, mas kawawa ang bata. At ang mas nawawalan ay ang mga maralita. Dahil kulang sa pinag-aralan, mas mababa ang tatanggaping posisyon at sahod kaysa mga anak-mayaman at mataas ang pinag-aralan.

‘Yan ang mga peligro sa kinabukasan ng kabataan na dapat ibalanse ng mga edukador at magulang, kumpara sa peligro ng COVID-19 sa kalusugan nila.

Show comments